Manila, Philippines – Nagpahayag ng suporta at tulong ang Volunteers Against Crime and Corruption sa pamilya ng pinaslang na binatilyo na si Kian Loyd Delos Santos para matiyak na mabibigyan ng katarungan ang pagkamatay nito.
Ayon kay VACC Spokesperson Arsenio Evangelista, imumungkahi rin nila kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre na isailalim ang pamilya ni Delos Santos, pati na ang mga gustong tumestigo sa pagpatay kay Kian sa Witness Protection Program.
Ito ay para matiyak na uusad ang ihahaing kaso lalu pa’t mga alagad ng batas ang sangkot sa pagkamatay ni Kian.
Sa kabila nito, tiniyak ni Evangelista na suportado pa rin nila ang kampanya ng administrasyon laban sa iligal na droga, pero hindi umano ito dapat nauuwi sa pag-abuso ng mga pulis.