Umapela ang Volunteers Against Crime And Corruption sa Grab Philippines na makipagtulungan sa pulisya hinggil sa pagkawala ng ilan nilang grab driver.
Ito’y matapos lumabas sa imbestigasyon ng Manila Police District na carnap vehicle ang isang kotse na rehistrado sa grab na umararo sa mga nakaparadang sasakayan sa J P. Laurel street kanto ng Muelle De Sampaloc sa Maynila kung saan nawawala ang driver nito na si Lorenz Fajardo.
Ayon kay Boy Evangelista, presidente ng VACC dapat ay makipag-ugnayan na ang pamunuan ng Grab sa PNP at iba pang law enforcement agency para malaman kung ilang driver na nila ang nawawala at ilan sasakyan na din ang nakakarnap.
Iginiit ng VACC na para na din ito sa kapakanan ng mga pasahero dahil maaaring ang mga nasasakyan nila na mula sa grab ay nakaw pala at parte na ng sindikato ang nagmamaneho nito.
Nararapat daw na lumapit na ang grab sa PNP, LTO At LTFRB para matulungan sila sa nasabing problema.
Matatandaan na bukod kay Fajardo, isa pang grab driver ang inireport na nawawala din noong buwan ng Abril.