Vaccination allowance, mas dapat na isulong kumpara sa vaccination raffle

Sa halip na raffle para sa mga bakunado na iilan lang ang makikinabang, mas isinusulong ni Albay Rep. Joey Salceda ang pagbibigay ng vaccination allowance at mas maayos na proseso ng vaccination registration.

Ito ang sa tingin ng kongresista na higit na makakapanghikayat sa mga Pilipinong magpabakuna ng COVID-19 vaccine.

Ayon kay Salceda, hindi naman problema ang posibilidad na may mananalo sa pa-raffle ng Department of Health (DOH) para sa mga bakunado ngunit problema partikular sa mga ordinaryong manggagawa na kailangang lumiban sa trabaho para makapagpabakuna.


Kapag absent sa trabaho ang isang manggagawa para magpabakuna ay wala itong sweldo sa araw na iyon lalo na sa mga “no work, no pay”.

Punto pa ng kongresista, mahalagang mapalitan ang araw na nawalang kita sa isang manggagawa dahil kahit may pakulong pa-raffle para mahimok ang mga taong magpabakuna, ang isang araw na walang sahod ay malaking kawalan na sa isang ordinaryong mamamayan.

Naunang inirekomenda ni Salceda na bigyan ng vaccine incentive katumbas ng sahod ng isang araw na minimum wage ang mga magpapabakuna.

Inihalimbawa pa nito ang Davao City na nagbibigay na ng ganitong insentibo sa mga nagpapabakuna.

Facebook Comments