Vaccination program, magtatagumpay kung maipapatupad ng maayos

Giit ni Senator Panfilo “Ping” Lacson, gaano man kaganda ang vaccination program ng gobyerno laban sa COVID-19, matatagumpay lang ito kung maayos na maipapatupad ng Inter-Agency Task Force (IATF) at Department of Health (DOH).

Diin ni Lacson, gaano man kaganda ang pagkakasulat at pagkakalatag sa plano para sa vaccine roll-out ay wala itong saysay kung papalpak ang implementasyon.

Kaya naman sabi ni Lacson, umasa at magdasal na lang tayo na ang iprinisintang vaccination plan sa pagdinig ng Senado ay talagang makatutulong para maging ligtas at immune ang publiko laban sa COVID-19.


Maging si Senate President Vicente “Tito” Sotto III ay nagsabing napakaganda ng presentasyon ng vaccination program pero ang malaking kwestyon ay pagdating sa implementasyon.

Sa tingin naman Senate Minority Leader Franklin Drilon, parang suntok sa buwan ang vaccination program lalo na ang target ng pagbili ng 148 million doses ng COVID 19 vaccine ngayong taon.

Punto ni Drilon, paano makakabili ng bakuna kung hanggang ngayon ay hindi pa inaaprubahan ang Food and Drug Administration (FDA) na aplikasyon para sa Emergency Use Authorization (EUA) ng kahit anong COVID-19 vaccine.

Katwiran pa ni Drilon, hanggang ngayon ay hindi pa nakukumpleto ang pondo pambili ng bakuna.

Facebook Comments