Inihayag ngayon ni Parañaque City Mayor at Metro Manila Council chair Edwin Olivarez na sabay-sabay na isasagawa ng lahat ng Local Government Units (LGUs) sa National Capital Region (NCR) ang kani-kanilang COVID-19 vaccination programs.
Ito’y kahit pa may kaniya-kaniyang at iba’t-ibang plano ang mga LGUs ng 16 na lungsod at 1 munisipalidad sa Metro Manila.
Ayon kay Olivarez, nais nilang masiguro na walang residente sa NCR ang maiiwan o mahuhuli sakaling magsimula na ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa unang quarter ng taon.
Sinabi pa ni Olivarez, na bawat lokal na pamahalaan ay planong mabakunahan ang nasa 30 porsyento ng kanilang populasyon bilang pagsunod na rin sa vaccination drive ng national government.
Ang mga magsasagawa naman ng pagbabakuna ay magbabahay-bahay pada alamin ang mga nasa vulnerable sector gaya ng mga senior citizens kung saan uunahin ang mga health care workers at frontliners.
Habang wala pang bakuna, pinapayuhan pa rin ni Olivarez ang publiko na mag-doble ingat upang hindi mahawaan ng COVID-19 lalo na’t may kaso na ng bagong variant nito na naitala sa nakalipas na linggo.