Plantsado na ang mga inilatag na plano sa vaccination program ng munisipalidad ng Pateros sakaling dumating na sa bansa ang bakuna kontra COVID-19.
Sa inilatag na plano, target na mabakunahan ang nasa 1,000 indibidwal kada araw kung saan tulad ng napag-usapan, uunahin ang mga health workers, senior citizens, indigent population at uniformed personnel.
Bumuo na rin ng anim na vaccination team ang munisipalidad ng Pateros na kinabibilangan ng mga doktor, nurses, midwives at iba pa na nasa 176 ang bilang.
Handa na rin ang anim na vaccination sites, kabilang ang AMC Gym, Pateros Catholic School (Annex), Agripino Manalo National High School at Capt. Hipolito Francisco Elementary School na bukas mula Lunes hanggang Biyernes.
Ang dalawa pang vaccination sites ay ang Lexington Clubhouse at East Mansion Clubhouse na planong buksan tuwing Sabado at Linggo.
Nakipag-partner na rin ang Pateros Local Government Unit (LGU) sa Orca Solutions para sa storage at transportation ng mga bakuna habang tuloy-tuloy pa rin ang online pre-registration para sa mga residente na nais magpabakuna.
Sa kasalukuyan, nasa 79 percent na ng populasyon ng munisipalidad ng Pateros ang nais o nagboluntaryong magpabakuna base sa isinagawa nilang survey.