Vaccination rollout sa bansa, mas palalakasin sa ilalim ng administrasyong Marcos; paglapit ng COVID-19 vaccination program sa mga komunidad, ipagpapatuloy!

Itutuloy ng administrasyong Marcos ang whole of government approach sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Ito ang kinumpirma ni Department of Health (DOH) Undersecretary at Spokesperson at National Vaccines Operation Center (NVOC) Chairperson Maria Rosario Vergeire matapos ang naging pulong nila kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Vergeire na nagpahayag ng suporta ang pangulo sa ginagawang tugon ng pamahalaan sa pandemya kung saan patuloy nitong pinapataas ang bilang ng mga nabakunahan na laban sa COVID-19.


Kailangan aniya pang paigtingin ang mga istratehiya ng gobyerno para sa pagpapalawig ng vaccination program, habang patuloy na binabantayan ang COVID-19 situation sa bansa.

Dagdag pa ni Vergeire, isinasapinal na lamang nila ang mga unang nilatag sa pangulo.

Ayon pa sa opisyal, muling ilalapit ng pamahalaan sa mga komunidad ang mga bakuna lalo na sa mga pinakaliblib na lugar.

Kabilang na dito ang isinasagawang house-to-house vaccination para sa mga senior citizen.

Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na rin ang DOH sa Department of Education (DepEd), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of the Interior and Local Government (DILG) at iba pang tanggapan ng pamahalaan para dito.

Facebook Comments