Sinimulan na ngayong araw ang pagpapabakuna sa mga kawani ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ayon kay HREP CongVax Head at Bataan Representative Jose Enrique “Joet” Garcia III, unang makakatanggap ng bakuna sa paguumpisa ng vaccine rollout sa Kamara ang mga empleyado na kabilang sa A2 category o senior citizen at PWDs at A3 category o iyong mga may comorbidities.
Batay naman sa inilabas na memorandum ng Office of the Speaker, pinabibigyang prayoridad ang A1 hanggang sa A4 priority list na mabakunahan.
Sa inisyal na vaccine rollout ay makatatanggap ang mga empleyado ng CoronaVac ng Sinovac ng China na inilaan ng national government.
Ito ay bukod pa sa P50 million na biniling 60,000 doses ng Novavax na inaasahang darating naman sa Hunyo o Hulyo.
Hindi naman natukoy ni Garcia kung ilang doses ng bakuna ang naibigay ng pamahalaan sa Kamara ngunit umaasa ito na sasapat ito sa lahat ng A2 at A3 employees ng Mababang Kapulungan.
Bahagi ng vaccination program ng Kamara ang lahat ng House employees, permanent man o contractual, Congressional staff, mga empleyado ng Commission on Audit (COA), Civil Service Commission (CSC), Department of Budget and Management (DBM), Presidential Legislative Liaison Office (PLLO), Land Bank of the Philippines, Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), HRep Cooperative, Mutual Aid Association (MAA) maging ang mga media na nakatalaga sa Kamara.
Samantala, hindi naman bukas sa media ang vaccination rollout sa Kamara at maging ang Press and Public Affairs Bureau ay hindi rin pinayagan na kumuha ng larawan o video sa katuwirang restricted area ang pagsasagawaan ng pagbabakuna.