Humingi ng pasensya si National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer at Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., sa mga alkalde sa Metro Manila matapos maantala ang pagdating sa bansa ng mga bakuna kontra Coronavirus.
Ayon kay Galvez, nahihiya siya sa mga alkalde dahil nakahanda na ang roll out ng kanilang vaccination program at bakuna na lang ang kulang.
Aniya, inaantay pa nila ang pirmadong indemnification agreement mula sa Pfizer na titiyak na protektado ito mula sa paghahabla sakaling makaranas ng adverse effect ang mga tuturukan ng bakuna.
Paliwanag ni Galvez, nagkaroon ng agam-agam ang Pfizer matapos maglabas ng warrant of arrest ang korte sa mga opisyal ng Sanofi dahil sa mga kasong may kaugnayan sa Dengvaxia vaccine.
Sa kabila nito, tiwala si Galvez na posible pa ring may dumating na mga bakuna sa bansa bago matapos ang Pebrero.