“Mas mataas ng benepisyo ng bakuna kaysa sa posibleng dala nitong panganib”.
Yan ang binigyang-diin ngayon ng Vaccine Expert Panel, isa sa mga nagrekomenda sa Food and Drug Administration na ipagpatuloy ang paggamit ng COVID-19 vaccine na AstraZeneca sa kabila ng mga report ng blood clot sa ibang bansa.
Sa interview ng RMN Manila kay Dr. Nina Gloriani, head ng Vaccine Development Expert Panel, sinabi nito na “rare events of special interest” lang ang kaso ng blood clot sa ibang bansa kung saan walang napaulat na ganitong pangyayari sa Pilipinas.
Ayon kay Gloriani, batay sa kanilang pag-aaral, apat lang ang naitatalang kaso ng blood clot mula sa isang milyong indibidwal na nabakunahan ng AstraZeneca.
Mas marami pa aniya ang kaso ng blood clot sa mga tinamaan ng COVID-19 na hindi nabakunahan.
Bukod sa Vaccine Expert Panel, unanimous din ang rekomendasyon ng World Health Organization at adverse event committee na gamitin ang AstraZeneca dahil mas higit ang makukuha nitong benepisyo kumpara sa idudulot na panganib.
Ang Pilpinas ay nakatanggap ng 525,600 AstraZeneca doses na halos naubos na at may paparating pa sa Mayo.