Vaccine Expert Panel, hinihintay pa ang resulta ng gagawing pagbabakuna sa mga bata sa Chile

Wala pang inilalathalang report hinggil sa efficacy rate ng COVID-19 vaccine na Sinovac para sa mga bata edad 6 pataas.

Ayon kay Department of Science and Technology-Vaccine Expert Panel (DOST-VEP) Dr. Rontgene Solante, umaasa sila na makapapapalabas na ng datos hinggil dito.

Nabatid na aprubado na sa Chile ang paggamit ng Sinovac vaccine sa mga bata o edad 6 na taong gulang pataas.


Aniya, ang report ang gagawin nilang basehan sa rekomendasyon sa paggamit din ng Sinovac sa mga bata dito sa bansa.

Sa pagkakaalam ni Solante, ang Chile pa lamang ang gagamit ng Sinovac sa mga edad 6 na taong gulang pataas.

Sa ngayon, ang Pfizer at Moderna pa lamang ang maaaring iturok na bakuna kontra COVID-19 sa mga bata sa bansa habang patuloy pang pinag-aaralan ng Food and Drug Authority (FDA) kung pahihintulutan na ring gamitin ang Sinovac sa mga bata.

Noong Hunyo ay sinimulan na sa China ang paggamit ng Sinovac vaccine sa edad 3 hanggang 17.

Facebook Comments