Iginiit ng Vaccine Experts Panel (VEP) ng Department of Science and Technology (DOST) na hindi pa nila inirerekomenda ang mixing at matching ng COVID-19 vaccines, maging ang paggamit ng booster shots.
Matatandaang tumanggap ng dalawang doses ng Sinopharm at dalawang doses ng Pfizer vaccines si San Juan City Representative Ronaldo Zamora bilang booster shots.
Ayon kay VEP Chairperson Dr. Nina Gloriani, hindi nila inaasahan na may ilang fully vaccinated individuals, kabilang ang isang public officials ay magpapaturok ng booster shots sa harap ng limitadong supply ng COVID-19 vaccines sa bansa.
Ang United Kingdom at Spain ay mayroong interim data na nagpapakita na tumataas ang antibody response ng mga nabakunahan ng AstraZeneca at Pfizer vaccines.
Ang Philippine Society for Allergy, Asthma, and Immunology (PSAAI) ay pag-aaralan ang safety at efficacy ng mixing at matching ng limang COVID-19 vaccines.
Pinayuhan ng VEP ang mga indibiduwal na gustong magpaturok ng magkakaibang brand ng COVID-19 vaccines na hintayin ang opisyal na rekomendasyon ng Department of Health (DOH).