Sinisilip na ng medical experts ang paggamit ng magkaibang brand ng COVID-19 vaccines sa harap ng kakulangan ng supply ng bakuna sa bansa.
Ayon kay Department of Science and Technology – Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD) Executive Director Dr. Jaime Montoya, nagsasagawa na sila ng clinical trials para alamin kung pwedeng pagsamahin ang magkaibang brand ng bakuna.
“Ito ay tinitingnan na sa pamamagitan ng mga clinical trials dahil nafo-foresee natin na maaaring mangyari lalo na sa kakulangan ng supply baka nga pag ikaw ay magse-second dose sa bakuna mo ay wala ang second dose mo,” sabi ni Montoya sa isang radio interview.
Dagdag pa ni Montoya, ang second dose ng COVID-19 vaccine ay kailangang maiturok para maitaas ang proteksyon laban sa sakit.
“Isa pang rason din ay, base ito sa mga sayantipiko, ang kanilang thinking ay baka mas maganda po ang booster kung ibang bakuna ang ibibigay sa second time parang karagdagang coverage. Ito ay tinitingnan na ngayon,” ani Montoya.
Sakaling nabigo ang pasyente na maturukan ng second dose ng COVID-19 vaccine, hindi na maaaring ulitin ang first dose.
“Ang recommendation ay kunwari 28 days, lumagpas ‘yan naging five to six weeks, of course, hindi po ‘yun ideal pero bibigyan kayo ng second dose at imomonitor na lang. Hindi naman po uulitin ulit,” sabi ni Montoya.
Noong Marso, sinabi ng Vaccine Experts Panel ng DOST na ang mga nakatanggap ng COVID-19 vaccines ay maaaring tumanggap ng booster shots, lalo na sa mga matatanda at mayroong mababang antibodies, isang taon pagkatapos ng vaccination.