Vaccine hesitancy sa hanay ng mga senior citizen, nanatiling mataas

Nananatiling mataas ang vaccine hesitancy sa A2 category o mga nasa hanay ng senior citizens.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni National Task Force (NTF) Against COVID-19 Adviser Dr. Ted Herbosa na sa ngayon ay wala pang sampung porsyento ng mga nakatatanda ang nagpabakuna na.

Ito ay sadyang mababa kumpara sa kabuuang bilang ng mga senior citizens sa bansa na nasa 9.8 milyon.

Ayon kay Dr. Herbosa pangunahing katwiran ng mga ito na ‘matanda na sila at ibigay na lamang sa mas bata ang mga bakuna.’

Sinabi ni Herbosa na kaya inilagay sa A2 ang mga senior citizen o pangalawa mula sa prayoridad pagkatapos ng mga medical health workers ay dahil vulnerable ang mga ito sa virus at mataas ang death rate sa kanilang hanay kapag tinamaan ng COVID-19.

Aniya, dapat patuloy na pagpaliwanagan ang mga nakatatanda upang makumbinse ang mga ito na magpabakuna.

Dapat ding i-explain sa mga senior citizen na ligtas at epektibo ang mga bakuna at kapag nabakunahan na sila ay maliit na lamang ang tyansa na mauwi sa severe ang kaso o sa kamatayan.

Kasunod nito, hinihikayat ni Herbosa ang mga lokal na pamahalaan na magbahay-bahay upang doon na lamang iturok ang mga bakuna lalo na sa mga bedridden.

Facebook Comments