Naniniwala si Senate President Pro Tempore Ralph Recto na kaya ng sagutin ng PhilHealth ang P500 million na COVID-19 indemnification fund dahil mayroon itong reserved fund na P116 billion as of September, 2020.
Dahil dito ay sinabi ni Recto na hindi na kailangan pang bumawas ng P500 million sa contingency fund ng gobyerno para ilipat sa PhilHealth at gamiting indemnity fund.
Kung tutuusin, ayon kay Recto, hindi na kailangan pang gumawa ng batas para sa COVID Indemnification Fund dahil pwede na itong gawan ng resolusyon ng board ng PhilHealth.
Paliwanag naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, kahit walang Indemnification Law ay pwedeng magbigay ang pamahalaan ng kompensasyon o tulong sa sinumang makakaranas ng hindi magandang epekto ng COVID-19 vaccine.
Sinabi ni Drilon na batay sa umiiral na civil code ay maaaring ihabla ang mga public officials na magpapabaya sa tungkulin at babayaran ng gobyerno ang kompensasyon.
Binanggit pa ni Drilon na maaari ring i-utos ng Pangulo na gamitin para sa indemnification ang contingency fund na bahagi ng national budget.
Ang nabanggit na mga pahayag ay inilatag nina Recto at Drilon sa pagtalakay ng Senado sa panukalang Vaccination Program Act na idinedepensa ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara.