Nanindigan ang Food and Drug Administration (FDA) na mahalagang dumaan sa national government ang pagbili ng mga bakuna.
Ito ang pahayag ng FDA sa gitna ng panawagan ng mga senador na dapat payagan ang pribadong sektor at Local Government Units (LGUs) sa bumili ng COVID-19 vaccines direkta mula sa vaccine manufacturers.
Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, kailangang dumaan pa rin ang mga bakuna sa national government dahil ang mga produktong nabigyan ng Emergency Use Authorization (EUA) ang papayagan para sa local distribution sa bansa.
Paliwanag pa ni Domingo, inaabot ng ilang taon para sa pagbili ng bakuna at maaari lamang sila mag-apply para sa certificate of product registration o marketing authorization kapag nakumpleto ang tatlong trials.
Dagdag pa niya, walang pananagutan ang vaccine manufacturers sa kanilang mga produkto habang ang national government ay may responsibilidad sa paggamit ng isang produktong nasa ilalim pa ng development.
Kaugnay nito, inaasahang malalaman sa kalagitnaan ng Enero ang resulta ng EUA application ng AstraZeneca sa Pilipinas.
Ang EUA para sa Pfizer ay isinasapinal at inaasahang ilalabas sa loob ng isa hanggang dalawang araw.