Alicia, Isabela- Kasalukuyan ng inihahanda ng pamunuan ng bayan ng Alicia ang kanilang taunang mass wedding na ginaganap tuwing sasapit ang araw ng mga puso, Pebrero 14.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Hon. Rogelio T. Benitez, Municipal Administrator ng Alicia, kanyang ibinahagi na binibigyan muna ng oryentasyon patungkol sa pag-aasawa ang mga kuwalipikado o may sapat at ligal na dokumento para sa pagpapakasal.
Aniya, layunin ng isasagawang mass wedding na sanayin ang mamamayan ng Alicia na gawing ligal ang pag-aasawa, maging praktikal sa buhay at mabasbasan ang kanilang pag-iisang dibdib.
Ayon kay Benitez, sa panahon ngayon hindi na kailangan ang magarang pagpapakasal kundi ang mahalaga umano ay may papel ang mga nagnanais at handang pumasok sa hamon ng buhay pag aasawa.
Samantala, maaring sa isang simbahan ng Alicia o sa munisipyo umano isasagawa ang mapusong mass wedding at gagastos lamang ng konting halaga para sa mga kakailanganing papel ang mga makikibahagi dito.