Valenzuela Mayor Rex Gatchalian, nakiusap sa DSWD na ibalik ang orihinal na listahan ng mga benepisyaryo para sa second tranche ng SAP; tatlong barangay sa Parañaque, posibleng isailalim sa lockdown dahil sa mataas na kaso ng COVID-19

Hinimok ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ibalik sa dating bilang ang listahan ng mga benepisyaryong makakatanggap ng second tranche ng Social Amelioration Program (SAP).

Sinabi ni Gatchalian na mula sa unang listahan na 186,000 households na mabibigyan ng unang tranche ng SAP sa Valenzuela ay binawi ito ng DSWD at ginawang 82,000 households na lamang.

Sa katunayan ay nauna nang sumulat ang alkalde sa DSWD para hikayatin ang ahensya na ibalik sa dating bilang ang benepisyaryo ng SAP dahil marami pa ang mga kabilang sa pinakamahihirap na hindi natulungan ng pamahalaan.


Bukas naman ay magsisimula nang sumailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang lungsod kung kaya’t magpapadala ng notice ang Local Government Unit (LGU) sa mga magbubukas na negosyo at pinagsusumite ang mga ito ng ‘new norm management plan’ upang matiyak na nasusunod ang social distancing sa mga pabrika at establisyimento.

Samantala, pinag-aaralan ngayon ng lokal na pamahalaan ng Parañaque ang posibilidad na isailalim sa lockdown ang tatlong barangay sa lungsod dahil sa mataas na kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Sa anunsyo ng Parañaque LGU, kabilang sa tatlong barangay na malaki ang tsansa na ma-lockdown ay ang Barangay San Antonio na may 77 kaso, sumunod ang Barangay San Dionisio na may 72 kaso at Baclaran na nasa 48 na kaso ng COVID-19.

Tiniyak naman ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na isasailalim sa isolation at quarantine ang mga residente sa tatlong barangay na nag-positibo sa virus gayundin ang pagsasagawa ng mass testing at contact tracing.

Iaanunsyo naman ng alkalde sa mga susunod na araw kung isasailalim sa lockdown ang ilang kalye o sitio sa kanilang lungsod na may mataas na kaso ng COVID

Facebook Comments