
Nilinaw ng isang International Criminal Court o ICC-accredited lawyer na ang Interpol ay isang international coordinating organization lamang.
Sa Malacañang press briefing, ipinaliwanag ni Atty. Joel Butuyan na hindi na mahalaga kung red notice o diffusion ang ginamit na pamamaraan ng Interpol sa pakikipag-ugnayan para maisilbi ang warrant of arrest sa bansang may custody ng suspek.
Unang kinuwestyon sa pagdinig ng Senado kung wanted person diffusion o red notice ang ipinadala ng Interpol nang magpatulong na arestuhin si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Pero sabi ni Butuyan, ang mas mahalagang konsiderasyon sa nangyari ay ang valid na warrant of arrest.
Binigyang diin naman ng abogado ang kahalagahan na tumupad ang Pilipinas sa obligasyon sa Interpol bilang member country nito.
Kung hindi kasi aniya ginawa ito ay maaaring tayo naman ang hindi pagbigyan sakaling may request for extradition o implementation ng warrant sa isang Pilipino o sinumang dayuhan na nakagawa ng krimen sa bansa.