Masusing pinag-aaralan ngayon ng itinatag na Validation & Screening Committee ang mga apela ng local chief executives na mapabilang ang kanilang lugar sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) o ‘di naman kaya ay mapababa sa General Community Quarantine (GCQ) ang status ng kanilang nasasakupan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, sa ngayon nakatanggap sila ng apela mula sa pamahalaang lokal ng Pampanga, Bulacan at Bataan kung saan humihirit na mapabilang sila sa MECQ dahil na rin sa pangambang tumaas ang kaso ng COVID-19 sa kani-kanilang lugar kapag ibinababa na sa GCQ ang kanilang status.
Sa kabilang banda, ang Laguna Government naman ay umaapela sa Inter-Agency Task Force (IATF) na tanggalin na sila sa MECQ at isailalim ang Laguna sa GCQ pagsapit ng May 16, 2020.
Kasunod nito, sinabi ni Roque na ang magiging basehan pa rin sa pagsasailalim sa isang lugar sa MECQ o GCQ ay ang case doubling time o kung gaano kabilis ang pagdoble ng kaso ng COVID-19 sa isang lugar at ang tinatawag na critical care utilization o ang kakayahang makatugon sa sitwasyon.
Paliwanag ng kalihim, maglalabas ng desisyon ang IATF hinggil dito bago sumapit ang May 16, 2020.