Nagbigay ng direktiba si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa kanyang mga ground commander na bilisan ang validation ng mga naitalang kaso ng suspected election-related incidents.
Nauna nang iniulat ng PNP na mayroong 7 suspected ERIs, kung saan dalawa rito ang nasawi.
Ayon kay PNP Spokesperson at PRO3 RD PBGen. Jean Fajardo, iniutos ni Gen. Marbil na huwag nang hintayin ang itinakdang 10 araw para sa validation.
Sa halip, dapat agad na magsagawa ng pagsusuri at maghain ng findings at rekomendasyon kung ang mga naturang insidente ay maituturing na validated ERIs.
Ang Regional Validation Committee ng PNP ay karaniwang binibigyan ng 10 araw mula sa petsa ng insidente para tukuyin ang klasipikasyon ng mga ito.
Ngunit sa kautusang ito, nais ni Marbil na mas mahalaga ang agarang aksyon upang masiguro ang mabilis na pagresolba ng mga kaso.