Maharlika Fund, nabili ang 20% stake sa NGCP

Lumagda sa isang kasunduan ang Maharlika Investment Corp. para magkaroon ng 20% stake sa Synergy Grid and Development Philippines Inc. (SGP), ang holding company ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Sinaksihan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglagda sa binding term sheet agreement sa Malacañang.

Ito ang kauna-unahang investment ng MIC na ayon sa Palasyo ay isang pagkakataon para sa gobyerno na magkaroon ng malaking impluwensiya sa power infrastructure na siyang magbibigay ng access sa maaasahan at abot-kayang kuryente sa mga Pilipino.

Sa kasalukuyan, ang SGP ang may hawak sa 40.2% ownership interest sa NGCP.

Ayon kay MIC President at CEO Rafael Consing, Jr., kapag nakumpleto ang acquisition ay makakakuha ng dalawang seat ang MIC, mula sa 9 seats ng SGP board at dalawa pang seat mula sa 15 seats ng NGCP board.

Simula noong January 2009, ang NGCP ang may ganap na kapangyarihan sa pamamahala at operasyon ng transmission system sa buong bansa, dahil sa 25-taong prangkisa ipinagkaloob ng ng Kongreso.

Kaya naman sa pamamagitan aniya ng kasunduan ay mapoprotektahan ang suplay ng kuryente sa bansa mula sa mga panlabas na banta at disruptions, at magiging bahagi na rin ang gobyerno sa mga desisyon ng NGCP.

Una nang ipinanukala sa Kamara ang ideya na mamuhunan ang MIC sa NGCP matapos ang malawakang blackout sa Panay noong 2024 na isinisi rin ng Department of Energy sa NGCP.

Facebook Comments