
Cauayan City – Isinusulong ngayon sa mga lalawigan ng Isabela at Cagayan ang pagtatanim ng PSB Rc 86, isang variety ng palay na may mababang glycemic index (GI) na 51.1.
Ang mababang glycemic index ay nangangahulugang mabagal ang pagtaas ng blood sugar, kaya’t angkop ito sa mga may diabetes at sa gustong mapanatili ang tamang timbang.
Isa sa mga unang nagtanim ng nasabing variety Marites Angoluan mula Gamu, Isabela. Ayon sa kanya, bukod sa benepisyong pangkalusugan, malakas din ang ani ng PSB Rc 86 na umaabot ng 4.3 tonelada kada ektarya at may resistensya sa mga peste tulad ng bacterial leaf blight at brown plant hopper.
Sa kasalukuyan, 47 ektarya ang itinakdang pilot area upang paramihin ang buto ng PSB Rc 86 at mas mapalaganap pa ito sa rehiyon.
Layunin nitong itaguyod hindi lang ang masaganang ani kundi ang mas malusog na pamumuhay para sa mga Pilipino.









