VAT exemption sa singil sa kuryente, isusulong muli sa 19th Congress

Ihahain muli sa pagpasok ng 19th Congress ang panukalang value added taxt (VAT) exemption sa singil sa kuryente.

Kasunod na rin ito ng pag-alma ng ilang kongresista sa pahayag ni outgoing Finance Secretary Carlos Dominguez na hindi naman nadodoble ang buwis ng mga consumer sa VAT sa kuryente.

Giit ni Assistant Minority Leader France Castro, paanong nasabi ng Kalihim na hindi “double taxed” ang mga consumer sa VAT gayong ang bawat charge tulad sa generation, transmission, distribution ay systems loss ay may kanya-kanyang ipinapataw na VAT.


Kung tutuusin aniya, hindi pa nga doble ang nasisingil ng gobyerno gamit ang VAT sa dami ng ipinapataw na buwis sa kada bayarin.

Tinukoy ng kongresista na ang VAT sa electricity ay dagdag pabigat sa publiko lalo na sa mga Pilipinong ang sahod lamang ay kinukulang pa para mapunan ang pang araw-araw na pangangailangan.

Kaya naman sa darating na 19th Congress ay muling pipigilan ng grupong Makabayan sa Kamara ang “overtaxation” sa pamamagitan ng paghahain muli ng panukalang batas para dito.

Facebook Comments