Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang implementasyon ng Value-Added Tax (VAT) Refund Program para sa mga dayuhang turista sa 2024.
Kasunod ito ng rekomendasyon mula sa Private Sector Advisory Council (PSAC) na layong mapalakas ang tourist arrival sa Pilipinas.
Ayon sa Palasyo, magpapalabas ang pangulo ng executive order para sa pagpapatupad ng tax refund program na ipinatutupad din sa ibang mga bansa.
Bukod sa VAT Refund Program, ilan pa sa mga proposal ng PSAC “Quick Wins” na inaprubahan ni Pangulong Marcos ay ang extension ng e-visa para sa mga Chinese, Indian, South Korean at Japanese national at ang pag-aalis ng One Health Pass.
Kabilang din sa naging rekomendasyon ng tourism sector group ay ang pag-aalis sa mga outdated advisory at loudspeaker announcements sa mga paliparan sa bansa at ang awtomatikong pagsasama ng travel tax sa lahat ng airline tickets.
Tinatrabaho rin ng PSAC ang “e-Travel,” isang mobile app kung saan matatagpuan ang lahat ng impormasyong may kaugnayan sa immigration, customs, health at quarantine para sa “easy data input.”
Target itong ilabas sa Pebrero.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng digitalization na magbibigay ng kaginhawaan sa mga turista sa pagsasagot ng mga form habang bumabiyahe.