VAXCertPH ng DOH, pansamantalang nakatigil dahil paso na ang kontrata sa software nito ayon sa DICT

Kakailangan ng bagong kontrata sa pagitan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at Department of Heath (DOH) para maipagpatuloy ang pag-update sa VAXCertPH.

Sinabi ni DICT Secretary Ivan John Uy na ito ay ang software na ginagamit para makakuha ang publiko ng updated details and certification ng kanilang pagbabakuna mula sa DOH websites.

Aniya, napaso na ang kontrata ng software na ginagamit dito nito pang September 30.


Paliwang ni Uy, nai-turn over na nila sa DOH ang pangangasiwa sa VAXCertPH matapos nilang sanayin ang mga taga-DOH para dito.

Pero sinabihan aniya sila kamakailan lang ni Officer-in-Charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi pa handa ang kanilang mga tauhan para tanggapin at mangasiwa sa system.

Isa aniya sa mga hamon ngayon ay walang nakalaang pondo ang DICT para ipagpatuloy ang programa dahil inasahan nila na ang DOH na ang magpapalakad nito matapos nila itong mai-turn over, ngunit ibinabalik aniya sa kanila ngayon ang pamamahala rito.

Sa kasalukuyan, nasa proseso na aniya sila ng pag-renew sa kontrata para sa software at naghahanap na rin ng pondo para sa pagpapatuloy ng programa.

Facebook Comments