Velasco, inakusahan si Cayetano na nagmamaniobra para manatili sa kapangyarihan

Inakusahan ni Marinduque Representative Lord Allan Velasco si House Speaker Taguig Representative Alan Peter Cayetano na nagmamaniobra para manatili sa kapangyarihan.

Iginiit ni Velasco na sinira ni Cayetano ang pangako nito kay Pangulong Rodrigo Duterte na isasapubliko niya ang kanyang intensyong bumaba sa pwesto sa October 14.

Pero sa halip, idineklara ni Cayetano ang kanyang resignation epektibo September 30, ang hakbang na hindi tinanggap ng 184 na mambabatas.


Maraming mambabatas ang nais sundin ang October 14 na pagpapapalit ng liderato sa Mababang Kapulungan habang nais ng ilan na ituloy ni Cayetano ang kanyang pagsisilbi sa 15-month limit sa ilalim ng term-sharing agreement nito kay Velasco.

Sa ginanap na pulong ng dalawang kongresista kay Pangulong Duterte sa Malacañang nitong Martes, sinabi ni Velasco na nangako si Cayetano na magre-resign sa October 14.

Iginiit ni Velasco na pinagkatiwalaan ni Pangulong Duterte si Cayetano dahil nangako ito na sa October 14 ang turnover dahil tiniyak nilang ipapasa ang budget bago ang nasabing petsa.

“Moreover, the President entrusted you with the task of announcing the date of the turnover. October 14 was chosen as the date for the turnover because we committed to pass the budget before October 14 and do nothing else that would disrupt or derail the process,” ani Velasco.

Kahapon, kinansela ng House leadership ang budget deliberations matapos bumoto ang mga kongresista pabor sa pananatili ni Cayetano.

Ikinadismaya ito ni Velasco dahil sa halip na nakatuon sa trabaho, nagkaroon lamang ng “political maneuverings” at “theatrics.”

Dagdag pa ni Velasco, ang mga nasabing pag-atake ay bahagi lamang ng personal agenda para iantala ang pagpasa ng budget.

Nanawagan si Velasco sa mga kapwa mambabatas na ipasa ang budget bago ang October 14 dahil ito ang ginawa nilang commitment kay Pangulong Duterte, at responsibilidad nila ito sa kanilang constituents.

Facebook Comments