Friday, February 27, 2026

VENDOR NG NIYOG, SINAKSAK HABANG NAKIKIPAG-INUMAN SA LINGAYEN

Nasugatan ang isang 48 anyos na vendor ng niyog matapos saksakin ng kanyang kainuman bandang alas-3:30 ng madaling araw noong February 26, 2026 sa Lingayen.

Batay sa paunang imbestigasyon, nag-iinuman umano ang biktima at suspek nang hilingin ng biktima na bumili pa ng karagdagang alak ang suspek. Tumanggi ang suspek na naging sanhi ng mainitang pagtatalo.

Sa kasagsagan ng kanilang komprontasyon, umano’y bumunot ng patalim ang suspek at sinaksak ang biktima sa kanang ibabang bahagi ng likod, na nagdulot ng pinsala sa katawan nito.

Kinilala ang suspek na isang 21 anyos na binata at construction worker na residente ng Dagupan City.

Agad naman isinugod ang biktima sa ospital para sa agarang lunas. Ayon sa mga doktor, nasa maayos at matatag na kondisyon na ito sa kasalukuyan.

Matapos ang insidente, tumakas ang suspek. Gayunman, mabilis na nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga rumespondeng tauhan ng Lingayen Police Station, na nagresulta sa agarang pagkaka aresto sa suspek at pagkarekober ng ginamit na patalim.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa custodial facility ng Lingayen Police Station habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanya. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay ng insidente.

Facebook Comments