Nanawagan sa Department of Agriculture (DA) ang vendors sa Maynila na pasyalan rin ang ilang palengke sa lungsod.
Ayon sa mga vendor mula sa Pritil at Paco Market, hindi dapat makuntento ang DA sa pagbabantay lamang sa price ceiling ng baboy at manok.
Iginiit ng mga vendor na dapat ding malaman ng DA ang sitwasyon ng mga retailer ng baboy at manok lalo na at patuloy ang pagtaas ng presyo ng kinukunan nila ng supply.
Sa Pritil Market, may mga nagbebenta pa rin ng laman ng baboy sa 300 kada kilo at 320 para sa liempo.
Anila, 260 pesos kada kilo kasi ang kuha nila sa buong baboy.
Sa Paco Market naman, dumidiskarte na ang ilang mga tindera para lamang makasunod sa price ceiling.
Kung dati ay mas mura ang ibang parte ng baboy, kabilang ang pata, buto-buto at maskara, ngayon ay pare-parehong 270 ang presyo ng kilo nito.
Anila, mula noong Huwebes ay tumataas na naman kasi ang kilo ng ulo ng baboy na umabot na ngayon sa 250 pesos kada kilo.
Kung hango naman na puro laman at liempo na ay pumapalo naman sa 265 pesos kada kilo kaya’t lugi pa rin ang mga vendor.