VEP, nanindigang magkakapareho lamang ang proteksyong ibinibigay ng mga bakuna laban sa severe cases

Binigyang diin ng Vaccine Expert Panel (VEP) na pare-pareho lamang ang datos ng mga COVID-19 vaccines laban sa severe case.

Pahayag ito ni Dr. Nina Gloriani, kasunod ng mga ulat na mas tinatangkilik na ngayon ng mga kapitbahay nating bansa sa Asya ang Western brand ng COVID-19 vaccines.

Halimbawa sa Malaysia na inuubos na lamang ang kanilang Sinovac vaccines habang ang Cambodia naman ay nagsisimula nang gumamit ng AstraZeneca vaccines bilang booster shot.


Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Dr. Gloriani na bagama’t iba-iba ang efficacy ng bakuna pagdating sa mild, moderate, at asymptomatic cases ng COVID-19, lahat naman ng mga ito ay nagbibigay proteksyon laban sa severe case.

Sa usapin aniya ng third doses, kailangan ay isaalang-alang ng lahat kung anong brand ng COVID vaccine mayroon ang Pilipinas, kung ano ang kaya ng ating resources at kung ano ang reliable supply na mapagkukunan nito.

Paliwanag pa ni Dr. Gloriani, ang pinakaimportante naman ay mayroong booster effect ang isang bakuna, o mayroon itong memory cell na sa oras na ma-expose ang isang indibidwal sa COVID-19, ay ia-activate nito ang immune system.

Facebook Comments