Manila, Philippines – Inihayag ng Palasyo ng Malacañang na handa si Pangulong Rodrigo Duterte na gamitin ang kanyang veto power sakaling mayroon itong makitang kahinahinala o mali sa ipapasang 2019 national budget.
Ito ang sagot ng Malacañang sa harap narin ng pahayag ni Senador Panfilo Lacson na sana ay i-veto ni Pangulong Duterte ang mga isiningit na pork barrel sa 2019 budget.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, kinikilala ng Malacanang ang kapangyarihan ng dalawang kapulungan ng Kongreso na gawin ang kanilang alokasyon at pagrepaso sa pondo ng bayan.
Pero sakali naman aniyang may makita si Pangulong Duterte na mali sa alokasyon ng pondo o anomang iligal dito ay naniniwala itong gagamitin ng Pangulo ang kanyang veto power para ibasura ang anomang makikitang kahinahinala.
Tiniyak din naman ni Panelo na anomang gawing aksyon ng Pangulo ay interes ang bayan ang laging prayoridad.