Binalaan nina Vice Ganda at Marian Rivera ang publiko tungkol sa mga online scammer na gumagamit ng kanilang pangalan.
Sa Twitter nitong Linggo, ibinalandra ni Vice ang screenshots ng Facebook account na sinabi niyang “mga manggagantso at demonyo”.
Pinangalanang “Vice Ganda Family” ang naturang page na mamimigay raw ng P5,000 via Palawan Express o GCash.
Hinihingi ng page ang pangalan, address at contact number ng mga interesado at nangakong makukuha ang cash kung ipapakalat ang post sa kanilang timeline at 10 na group.
Mga manggagantso!!!! Mga demonyo!!! #SCAM pic.twitter.com/WRfYCVJm7j
— jose marie viceral (@vicegandako) April 19, 2020
Samantala, sa Instagram naman inalerto ni Marian Rivera ang kanyang followers hinggil sa parehong issue.
Ipinaskil din ng Kapuso actress ang screenshot ng Facebook account na “Marian Rivera Dantes” na nag-aalok din ng P5,000.
Babala ng aktres, “Pawang kasinungalingan po ito. Fake.”
Umaksyon naman ang fans ng mga artista na nagkaisa sa pagrere-report ng mga poser o scam pages.