Kalahating Milyong Pabuya, Ibibigay sa Makakapagturo ng mga Salarin sa Pagpatay kay Ex BM Nap Hernandez!

Nap Hernandez Necrological Service. Image courtesy of Subia AttyEric Pascua

San Mateo, Isabela – Nag-alok si Isabela Vice Governor Faustino “Bojie” Dy III ng P500,000.00 pabuya para sa makapagbibigay ng impormasyon upang maresolba agad ang kasong pagpatay kay dating Isabela Board Member Napoleon “NAP” Hernandez.

Sa isinagawang necrological service kanina sa bayan ng San Mateo, kaniyang sinabi na handa siyang magbigay ng pabuya para sa ikalulutas ng nasabing kaso.

Naging emosyonal ang bise Gobernador habang binibigkas ang kaniyang eulogy sa yumaong matalik na kaibigan.


Aniya, naging malapit sa kaniya ang pamilya ni Hernandez at naglingkod ito ng mabuti sa probinsiya kaya’t nararapat lamang na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay nito.

Bukod kay Dy, nagbigay din ng eulogy si Mayor Gregorio Pua at ilang opisyal ng Lalawigan tungkol sa mabuting nagawa ni Hernandez noong buhay pa siya.

Nakalagak ang labi ni Hernandez sa bagong Gymnasium ng San Mateo at bukas ito sa publiko para sa public viewing hanggang ngayong gabi bago ang kaniyang nakatakdang libing bukas, Hulyo 10, 2019.

Dakong 8:00 ng umaga bukas mula sa New Community Center ay ihahatid na patungo sa Saint Matthew Parish (La Salette Church) ang labi ni Nap Hernadez para sa isasagawang burial mass.

Kasunod nito ang Internment Ceremony sa Public Cemetery ng Brgy. Sinamar Sur, San Mateo, Isabela.

Facebook Comments