Vice Mayor, 2 Pulis at 15 Iba pa, Arestado sa Pagsusugal

Cauayan City, Isabela- Arestado sa magkakahiwalay na operasyon ng mga otoridad ang 18 na katao na kinabibilangan ng isang (1) Bise Mayor, dalawang (2) pulis at 15 iba pa matapos na maaktuhang nagsusugal sa magkahiwalay na lugar sa Lalawigan ng Cagayan.

Natimbog sa paglalaro ng ‘Mahjong’ sa Barangay Pengue-Ruyu, Tuguegarao City, Cagayan ang Bise Mayor ng Maconacon, Isabela na kinilalang si Jolly Taberner, 65 anyos, residente sa naturang bayan kasama ang pulis na security nito na si Maconel Pascua, nakatalaga sa Isabela PPO at residente rin sa bayan ng Maconacon.

Huli rin sa pagsusugal ang isa pang pulis na si Christine Ruiz, 33 anyos na naka assign naman sa R5 PRO 02.


Kasama rin ng mga ito sa mga nahuli sina Pedro Baggay, 33 anyos; Gerry Adducul, 66 anyos, retired PNP Member; Jayson Allam, 39 anyos; Grace Laggui, 44 anyos; Marlene Bautista, 52 anyos; at ang may-ari ng bahay kung saan isinagawa ang pagsusugal na si Peter Laggui na pawang mga residente ng Tuguegarao City.

Nakumpiska sa lugar ang dalawang (2) set ng mahjong tiles, dalawang (2) lamesa, walong (8) upuan, dalawang (2) pitaka at mahjong pad, tatlong (3) piraso ng dice, isang (1) green chip, dalawang (2) piraso ng talcum powder at bet money na nagkakahalaga ng Php3,310.00.

Nakumpiska naman sa pag-iingat ni Taberner ang isang (1) Caliber 45 pistol na may pitong (7) bala at isang (1) magazine na may mga bala ng Cal 45.
Samantala, tatlong (3) katao naman ang dinakip din ng mga otoridad sa Barangay Tanza, Tuguegarao City, Cagayan dahil sa paglalaro ng Tong-its.

Ang mga nahuli ay nakilalang sina Elena Pedralvez, 48 anyos; Siony Pe Benito, 66 anyos at Loida Pacion, 52 anyos na pawang mga residente rin sa Lungsod ng Tuguegarao.

Nagkakahalaga naman sa Php238.00 ang nakumpiska sa lugar at mga ginamit na baraha.

Bukod dito, huli rin sa paglalaro ng ‘Tong-its’ sa Barangay Jurisdiccion, Amulung, Cagayan ang anim (6) na indibidwal na mga residente rin sa naturang lugar na kinilalang sina Sedelyn Taberna, 35 anyos, Janet Francisco, 42 anyos, Dionalisa Garcia, 43 anyos, Cesar Talosig, 66 anyos Wency Hace Aresta at Marvie Taberna, 23 anyos.

Nakumpiska sa lugar ang dalawang (2) set ng baraha at bet money na nagkakahalaga ng Php370.00.

Ang mga nahuli ay mahaharap sa kasong paglabag sa PD 1602 o Illegal Gambling.

Facebook Comments