Pormal nang itinalaga ng Department of the Interior and Local Government (DILG) si Vice Mayor Victor Perete bilang acting mayor ng Daraga, Albay.
Ito ay bilang pagtalima sa direktiba ng Commission on Elections (Comelec) na agad magtalaga ng kapalit ni Mayor Carlwyn Baldo.
Si Baldo ay kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya dahil sa kaso ng pag-iingat ng mga armas.
Si Baldo ay inaakusahan na umano ay utak sa pagpatay kay Ako Bicol party-list Representative Rodel Batocabe at sa kaniyang bodyguard na si SPO1 Orlando Diaz.
Ayon kay Assistant Secretary Jonathan Malaya, ang pagkakatalaga kay Perete bilang acting mayor ay alinsunod sa rule on succession sa ilalim ng Local Government Code.
Si First Councilor Jerry Rafale naman ay umakyat bilang acting vice mayor.
Dahil sa direktiba ng DILG, mababalewala na ang unang kautusan ni Baldo na nagtatalaga kay Councilor Joey Marcellana bilang pansamantala niyang kapalit.