Manila, Philippines – Pinawi ng Office of the Vice President (OVP) ang pangamba ng publiko kaugnay sa lagay ng kalusugan ni Vice President Leni Robredo makaraang dumanas ito ng “heat exhaustion.”
Sa anunsyo ng OVP, nakaranas ng matinding panghihina at kinapos ng paghinga ang bise presidente matapos itong dumalo sa women’s month celebration sa Baler, Aurora kahapon ng umaga.
Sunod sanang dadaluhan ni Robredo ang aktibidad sa Cabanatuan City, pero hindi na ito tumuloy dahil sa pagsama ng kanyang pakiramdam.
Ang pangalawang pangulo sana ang panauhing pandangal sa turnover ceremony ng mga ipinagkaloob na water pumps sa Badjao-Tagalog community sa Cabanatuan City na parte ng anti-poverty program ng OVP.
Sa huling abiso ng OVP, naka-recover na sa heat exhaustion ang pangalawang pangulo habang pinayuhan din nito ang publiko na mag-ingat sa matinding init na nararanasan.
Ang heat exhaustion ay kondisyon na sanhi ng sobrang init na pwedeng maging seryoso kapag hindi naagapan.
Kabilang sa mga sintomas nito ang pananakit ng ulo, panghihina, pamamanhid ng katawan at pagkahilo.
Para makaiwas sa heat exhaustion, palagian uminom ng tubig, huwag magbilad sa araw at huwag masyadong magpagod.
Facebook Comments