Cauayan City– Pinaboran ni Atty. Aldegundo “Egon” Cayosa, National Vice President ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang panukalang ibaba ang age of Criminal Liability sa 12 taong gulang mula sa dating 15 na taong gulang.
Sa eksklusibong panayam ng RMN Cauayan kay Atty. Cayosa, mas pabor umano siya sa edad na labing dalawa kaysa sa edad na siyam dahil kung tutuusin aniya ay musmos pa ito para magkaroon ng pananagutan sa batas.
Sa panahon ngayon anya ay mas nakakagawa na ng karahasan ang mga nasa murang edad dahil na rin sa paglaganap ng teknolohiya at social media kumpara noong mga naunang panahon.
Nananawagan naman si Atty. Cayosa sa mga magulang na dapat patnubayan at gawin ang reponsibilidad sa mga anak upang hindi mapariwara ang buhay.
Samantala, doble naman ang ipapataw na parusa sa mga mahuhuling sindikato na gumagamit sa mga kabataan.