Kahit tinaguriang “Millennial Mayor”, mukhang hindi updated si Pasig City Mayor Vico Sotto sa mga kumakalat na memes ngayon sa social media.
Isa si Sotto sa mga alkaldeng maagang nag-deklara ng suspensyon ng klase nitong Miyerkules pero tila na-curious ang batang mayor kung bakit palaging tinatag ng mga netizens si ‘Cassie’.
Lingid sa kaalaman ni Sotto, si Cassie ay isang sikat na karakter sa soap-operang “Kadenang Ginto” na ipinapalabas sa ABS-CBN tuwing hapon.
Cassie hindi ka muna papasok sa iskol. https://t.co/M82evrMVW1
— Pauline Gaerlan (@paulinethequeen) July 16, 2019
“Cassie hindi ka muna papasok sa iskol,” sagot ng netizen sa Twitter post ni Sotto kaugnay ng kanselasyon ng mga klase sa lungsod ng Pasig.
Nagtatakang tugon ni Sotto: “Sino po ba si Cassie at puro ganito ang reply niyo sa kin?”
Sino po ba si Cassie at puro ganito ang reply niyo sa kin? Ano yun, lahat kayo may kapatid na Cassie ang pangalan 😂
Someone explain this meme to me pls para makatulog na ko https://t.co/t0DwdtiFRL
— Vico Sotto (@VicoSotto) July 16, 2019
Pabirong hirit pa niya, “Ano yun, lahat kayo may kapatid na Cassie ang pangalan?”
Kalaunan, nilambing ni Sotto ang mga social media users na ipaliwanag sa kanya ang lumalabas na meme para makatulog na siya ng mahimbing.
Nag-ugat ang nasabing meme sa isang episode ng “Kadenang Ginto” kung saan pinigilan pumasok sa paaralan ni Daniela Mondragon (Dimples Romana) si Cassie (Francine Diaz) dahil sa kahilingan ng kanyang anak na si Marga (Andrea Brillantes).
Mas lalong pumatok ang eksena matapos ipost ni Ryry Villacosta ang isang re-enactment video.
Sa ngayon, umabot na sa mahigit 171,000 views at 2,800 likes ang viral video ng batang babae.