Video kung saan huling nabigyan ng jersey sa isang event sa ASEAN Summit sa Thailand si Pangulong Duterte, viral

Viral sa social media ang video sa ASEAN Summit sa Thailand kung saan binigyan ng jersey ng Federation Internationale De Football Association ang mga ASEAN Leaders.

Kasunod ito ng paglagda sa kasunduan ng ASEAN Countries para suportahan ang 2034 FIFA World Cup na gaganapin sa Thailand.

Sa nasabing video, sunud-sunod na binigyan ng jersey ang mga ASEAN Leaders pero nalaktawan si Pangulong Duterte na pinakahuling naabutan bagama’t nasa ikatlong puwesto ito sa pila.


Pumalag naman ang Malacañang sa tweet ng isang Professional Heckler na kinukutya raw ang Pangulo matapos na hindi bigyan ng jersey.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, nagpapakitang gilas na naman ang mga taga-oposisyon sa pagpapakalat ng fake news.

Malinaw naman aniya na naka-splice lamang ang video na ibinahagi ni Professional Hecker na pinagdududahang kasabwat ng mga dilawan.

Una rito, kumalat din ang pekeng balita na pinagsabihan umano ng Hari ng Thailand si Pangulong Duterte na mag-behave sa ASEAN Summit bagay na pinabulaanan ng Palasyo.

Facebook Comments