Ire-regulate na sa lungsod ng Las Piñas ang paggamit ng videoke, karaoke at pagpapatugtog nang malakas tuwing oras ng klase ng mga estudyante.
Ayon kay Las Piñas City Mayor Imelda Aguilar, bago pa man ang pagbubukas ng klase nitong October 5 ay naglabas na sila ng memorandum na nagbibigay direktiba sa mga barangay officials at mga otoridad na tiyaking nasusunod ng mga residente ang pagbabawal sa videoke at karaoke sessions gayundin ang malakas na tugtugin tuwing class hours.
Ang pag-iisyu ng memorandum ay kasunod na rin ng hiling ng Las Piñas Department of Education (DepEd) Division na hindi maiistorbo ang mga estudyante sa kanilang online class habang nasa bahay.
Agad namang tumugon ang bawat barangay sa nasabing kautusan.
Hinihikayat din ng lokal na pamahalaan ang mga barangay na magpasa at magpatupad ng sariling ordinansa para ipagbawal ang videoke at iba pang sound systems lalo na sa oras ng klase.