Cauayan City, Isabela- Mahigpit nang ipinagbabawal sa Lungsod ng Cauayan ang malakas na pagpapatugtog ng videoke, karaoke at anumang nagdudulot na labis na ingay.
Ito ay matapos na pumasa sa ikatlo at huling pagbasa sa ordinansang inakdahan ni SP Member Gary Galutera, Committee Chair ng Committee on Education sa konseho ng Cauayan.
Sa bisa ng ordinance 2020-358, mahaharap sa kaso ang sinumang lalabag dito maging ang mga nagpaparenta.
Mula alas 7 ng umaga hanggang alas 5 ng hapon, Lunes hanggang Sabado, mahigpit na babantayan hindi lamang ang mga bahay inuman na kilalang gumagamit ng videoke kundi maging ang bawat bahay na nagpapatugtog na malakas.
Nilinaw naman ni SP Galutera na kahit na anumang nagdudulot ng ingay at nakakaistorbo ay sakop ng ordinansang nabanggit.
Ang pagpapatupad sa ordinansang ito ay bahagi parin sa tinatatawag na new normal at bilang suporta sa mga nag-aaral na estudyante.
Sa bagong normal na pamamaraan ng pagtuturo sa buong bansa, ang mga mag-aaral ay nasa kani kanilang mga bahay ngayon kayat malaki umanong abala sa kanila kapag maingay ang kanilang paligid.
Kailangan umano ng mga guro at mag -aaral ang tinatawag na condusive place for learning.
Samantala, mula sa 1000 na multa sa first offense, iminungkasi ni SP member Paul Mauricio na gawin itong tatlong libo at limang libo (Php5,000) sa second offense mula sa inisyal na tatlong libo.
Sa pangatlong pagkakataon ay maaari nang makulong ang sinumang mahuhuling lalabag.