Zamboanga Del Norte – Ilan sa mga barangay sa lalawigan ng Zamboanga Del Norte ay hindi pa rin naibalik ang suplay ng kuryente dahil sa nagdaang bagyong Vinta.
Ito ang inihayag ni Paul James Jauculan, Corporate Information Staff ng Zamboanga Del Norte Electric Cooperative Inc. (ZANECO) kung saan mayroon pa aniyang mga lugar na mahirap pasukin dahil sa nangyaring landslide at sira na mga daan na mahirap daanan ng mga sasakyan na magdadala sana ng mga poste at kable ng kuryente lalo na sa mga malalayong barangay sa lungsod ng Gutalac, Salug at iba pa.
Aniya, sinikap nila ngayon na maibalik ang nawawalang suplay ng kuryente sa mga lugar na nawalan ng serbisyo kung saan mas nagpapahirap naman ngayon sa mga linemen ang patuloy na nararanasang mga pag-ulan sa lalawigan.
Sa kabilang banda, aabot naman sa 540 packs ng mga relief goods ang naibigay ng ZANECO sa mga biktima ng nakaraang bagyong Vinta sa lungsod ng Gutalac, Salug at Liloy na kumitil ng maraming buhay at nag-iwan ng malaking pinsala sa mga agrikultura pati na ang mga linya at poste ng kuryente.