Cauayan City, Isabela – Dalawang pirasong vintage bomb ang nahukay sa bahay ng Punong Barangay ng Brgy. San Luis, Diadi, Nueva Vizcaya.
Ito ang ibinahagi ni Lt Col. Remegio Dulatre, Commanding Officer ng 86th Infantry Battalion, 5th ID, PA sa panayam ng 98.5 RMN Cauayan.
Aniya, habang nagpapaayos umano ng bahay ang kapitan ng barangay ay may nahukay ang karpentero na dalawang pirasong pampasabog.
Agad namang inireport sa kanilang tanggapan at sa tulong ng PNP Diadi ay nakuha na ito at hinihintay na lamang ang kaukulang inspeksyon ng EOD.
Samantala, binigyan ng 86th IB katuwang ang PNP Echague ng marangal na libing ang kalansay ng hindi pa kilalang myembro ng New People’s Army (NPA) na nakuha sa bulubundukin ng Brgy. San Miguel, Echague, Isabela.
Matatandaan na noong Marso 21, 2019 habang nagsasagawa ng security operations ang tropa ng 86th IB sa bulubunduking bahagi ng Brgy. San Miguel, Echague, Isabela ay nadiskubre ng kasundaluhan ang hiwa-hiwalay na kalansay ng isang tao.
Pinaalalahanan naman ni LT Col Dulatre ang lahat ng mga NPA na sumuko na lamang upang matamasa ang programa ng ating gobyerno.