Inabisuhan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga Filipino sa France at ang mga nagbabalak magbakasyon sa nasabing bansa na magdoble-ingat.
Ito ay matapos sumiklab ang marahas na protesta sa French capital at ilang kalapit na lugar ilang linggo na ang nakararaan.
Payo ng Philippine Embassy sa Paris iwasan ng mga Pinoy ang Champs-Elysées, Arc de Triomphe, Louvre, Tuileries, Place Vendome, Avenue Friedland, Avenue Kléber at iba pang lugar na sentro ngayon ng demonstrasyon dulot ng ipinataw na environmental tax sa langis dahilan ng pagsirit ng presyo nito.
Paalala ni Ambassador to France Ma. Teresa Lazaro sa mga Filipino sa France na huwag makaisa sa mga kilos protesta.
Sa ngayon higit sa 400 na ang naaresto dahil sa pakikilahok sa nasabing aktibidad.