VIRAL: 2 naaksidenteng motorista, tinanggihan umano ng isang ospital sa Cavite

Screenshot via Facebook/Stevenmac Napalan Salonga

Viral ngayon sa social media ang pagtanggi umano ng ilang staff ng ospital sa Bacoor, Cavite sa dalawang duguan lalaki matapos silang salpukin ng isang kotse – sa tabi mismo ng naturang pagamutan.

(BABALA: Sensitibo ang mapapanood niyong bidyo)

Sa kuhang bidyo ni Stevenmac Napalan Salonga noong Agosto 31, makikitang nakahandusay pa sa kalye ang mga sugatang motorista at inirereklamo ng ilang indibidwal ang Molino Doctors Hospital dahil sa hindi pagbibigay ng paunang-lunas sa mga biktima.


Maririnig din sa background na sumisigaw ang isang lalaki na “sir, emergency na, barangay pa?”

Sa CCTV footage ng Barangay Molino II na nakasasakop sa ospital, mapapansing papasok ng pagamutan ang isang CRV na kulay gray nang biglang mabangga ang paparating na motorcycle rider.

Kaagad itinawag ng barangay ang aksidente sa Bacoor Emergency Response Team at habang naghihintay ng ambulansiya, pumunta ang isang tanod sa nasabing pagamutan para humingi ng saklolo.

Pero tumanggi umanong tumulong ang ilang medical personnel at sinabing hindi dapat sila makialam sa nangyari.

Ayon sa pulisya, nangako ang drayber na nakabundol sa mga biktima na sasagutin lahat ng gastusin at operasyon nila.

Sa ilalim ng RA 10932 o Anti-Hospital Deposit Law na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Agosto 2017, bawal humingi ng deposito o iba pang klase ng paunang bayad ang mga pribadong ospital sa mga pasyenteng nasa “emergency” o nangangailangan ng agarang gamutan.

Hindi din puwedeng tumanggi ang doktor o ospital na magbigay ng first aid o mag-stabilize sa kondisyon ng biktima upang maiwasan ang death o disability.

Ang sinumang lumabag ay maaring pagmultahin ng P100,000 hanggang P1 milyon at posibilidad na kanselahin ang lisensya nito.

Sa ngayon, wala pang reaksyong inilalabas ang pamunuan ng inirereklamong pagamutan kaugnay sa insidente.

Facebook Comments