VIRAL: Alagang pusa, ibinigti sa labas ng bahay

WARNING GRAPHIC CONTENT

Humingi ng tulong sa social media ang isang fur parent matapos ibigti ang kaniyang pusa sa labas mismo ng kanilang bahay sa Brgy. Holy Spirit, Quezon City noong umaga ng Mayo 25.

Halos pagsakluban ng langit ang babaeng amo nang madatnang nakabitay ang alagang si Maxx na parehong dilat pa ang mata.

“Sobrang sama ng loob ko na dinanas ito ng alaga ko. Yung binibilhan mo ng pagkain, humihiga sa kama mo tapos ganito lang gagawin sayo. Walang puso gumawa nito sa kaniya,” aniya.


Desidido ang babae na sampahan ng kaso ang mga nasa likod ng krimen.

Mariing namang kinondena ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) ang kalunos-lunos na insidente. Ayon sa grupo, puwedeng kasuhan ng paglabag sa Republic Act 8485 o ang Animal Welfare Act of 1998 ang hindi pa nakikilalang suspek.

Hinikayat ng PAWS ang sinumang nakakita sa pangyayari na magtungo sa kanilang tanggapan upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Maxx.

Dito sa Pilipinas, maigting ang panawagan ng publiko na parusahan ang mga nang-aabuso ng alagang hayop na kadalasang itinuturing na parte ng pamilya.

Kapag napatunayang nagkasala, makukulong ang akusado mula tatlo hanggang pitong taon at pagmumultahin ng P50,000 hanggang P100,000.

Samantala, umabot na sa 73,000 likes at 43,000 shares sa Facebook ang naturang post.

Facebook Comments