VIRAL: Angkas rider, nagbigay ng libreng sakay sa estudyante

Umani ng papuri ang isang Angkas rider matapos hindi tanggapin ang bayad ng estudyanteng naisakay niya.

Sa isang Facebook post, ibinahagi ni Aira Artugue, estudyante ng Centro Escolar University – Makati, na sa kabila ng kanyang pamimilit, tinanggihan pa rin ng rider na si Jester Carillo ang bayad.

“As a college student na hirap na hirap na sa gastusin sa school, may mga anghel talaga that are always willing to help,” saad ni Artigue sa kanyang post.


Sa screenshot ng kanilang usapan, humingi pa ng paumanhin ang rider at nagpaliwanag na hindi siya tumatanggap ng bayad mula sa mga estudyante.

“Pasensya na po. Hindi po talaga ako tumatanggap ng bayad mula sa estudyante. Kaya [no’ng] sinabi niyo kanina na male-late na kayo, ginawa ko po ang lahat ng kaya ko within Angkas limitations para umabot kayo sa klase,” ani Carillo.

Nag-iwan din ng mensahe ang rider na pumukaw sa damdamin ng marami.

Bilin niya sa estudyante, “Mag-aral po kayo mabuti at sa ibang tao niyo na lang po ibalik ang kabutihan na naranasan ninyo sa akin. God bless you.”

Bumuhos naman ang mga komento ng paghanga para sa rider.

“God bless you. Sana marami pa ang katulad mo dito sa mundo,” ani netizen na si Maria Juana Caololan Calapate

Hiling naman ni Facebook user Lory Bacrang Damaso, “Sana pagpalain kayo ng Maykapal. Good luck, Sir. Saludo ako sa kabutihan mo.”

Facebook Comments