VIRAL: Ate/Kuya, isinantabi muna ang sariling pangarap para sa mga kapatid

Photo from Ghel Martinez at Facebook

“HINDI NAKATAPOS pero NAKAPAG-PATAPOS”

Hinangaan sa social media ang kuwento ni Ghel Martinez na pansamantalang isinantabi ang sariling pangarap para makapagtapos ng pag-aaral ang kanyang mga kapatid. Graduate na athlete ang isa, at cum laude naman ang isa niya pang kapatid.

Sa kanyang Facebook post, sinariwa ni Martinez ang mga alaala ng kanyang pagbibigay-daan at pagsasakripisyo.


Dahil namulat sa kahirapan ang panganay sa anim na magkakapatid, maaga itong nagbanat ng buto at natutong maging madiskarte sa buhay. Dala-dala ang itinuro ng kanilang tatay na “ang taong natututong magtiis, mas natututong mangarap, mas nagsusumikap.”

Noong elementarya, naranasan ni Martinez na magdala ng paninda sa school, gaya ng gelatin, mangga, at bayabas. Tuwing walang pasok naman ay naglalako ito ng mga gulayin sa kanilang barangay.

Nang makaraos sa pitong pisong baon kada araw sa elementarya, mas namulat aniya niya sa hirap ng buhay sa sekondarya, dahil kasabay ng paglaki nilang magkakapatid ay paglaki rin ng gastusin ng pamilya.

Kaya’t pagka-graduate nang high school ay agad sumabak sa trabaho sa palengke si Ghel, isinantabi ang nabuong pangarap na makapag-aral ng Criminology sa kolehiyo. Kalaunan napag-isip-isip nitong gusto niyang sumabak sa trabahong may uniporme, kaya naman nag-apply ito sa isang fast food chain. Bagama’t bumagsak sa exam, muling sumubok si Ghel at natanggap.

Habang nagtatrabaho, naisipan niyang bigyan na ang sarili ng pagkakataong mangarap ulit. Nag-aral siya habang nagtatrabaho, ngunit matapos ang isang taon ay muling isinantabi ang sarili dahil hindi napapagkasya sa pag-aaral at pamliya ang kinikita nito kada buwan. Aniya, pansamantala siyang tumigil “hindi dahil sa nahirapan o naging mahina ako, kundi dahil naging malakas at matapang ako para magparaya para sa mga kapatid ko.”

Sa mga panahong iyon, ang inisip na lamang daw niya ay
“Wala naman akong masasabi na permanente sa mundo ko kundi ang pamilya ko, ang mga kapatid ko. At the end of the day alam kong mag fail man ako sa buhay ko, hindi man ako maging pulis, mananatili parin silang andyan para sakin.”

Sa dulo ng post ay pinaalalahanan niya ang ibang kabataan na huwag sayangin ang pagkakataong makapag-aral, dahil aniya hindi biro ang hirap at saskripisyo ng mga mahal sa buhay.

Facebook Comments