Saturday, November 23, 2024

VIRAL: Babaeng nakainom, nanduro at nanuntok ng pulis sa Las Piñas

Screenshot via Facebook/Charlie Siro Tri

Patong-patong na kaso ang kinakaharap ngayon ng isang ginang matapos niyang saktan ang isang tourist pulis sa Las Piñas nitong Lunes.

Kinilala ang babae na si Cheryl Hawkins Bautista, isang US citizen na naninirahan ngayon sa Bacoor, Cavite.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, bigla umanong sinigawan at minura ni Bautista ang ilang staff sa pinuntahang restaurant na nakainom sa mga oras na iyon.

Dahil ayaw magpaawat, inireport siya ng isang empleyado sa kinauukulan. Pero sa halip na tumigil, pinagbuntungan niya ng galit ang mga rumespondeng pulis.

Ayon kay Police Col. Simnar Gran, hepe ng Las Piñas City police, nagwala si Bautista dahil hindi daw tinanggap ng resto staff ang credit card nito para pambayad sa kaniyang kinain at ininom.

Ang nasabing insidente, naging viral sa social media.

Sa bidyong kuha ni Facebook user Charlie Siro Tri, makikitang pinapakalma si Bautista pero tuloy pa rin siya sa pagtataas ng boses, pagmumura, at panduduro sa miyembro ng kapulisan.

Maya-maya pa, bigla nang sinapak ng ginang ang pulis na aaresto sa kaniya.

“Nasa gitna sana kami para maayos yung ano. Eh, kaso nasuntok nga ako ni ma’am,” sambit ni Patrolman John Rudolf Adapon.

Giit ni Bautista, sa korte na siya magpapaliwanag kung bakit nagawa iyon.

Sinampahan siya ng reklamong disobedience, direct assault upon person in authority, oral defamation at alarm and scandal.

Facebook Comments