Manila, Philippines – Viral ngayon sa social media ang aerial shot ng Banaue Rice Terraces sa huling bahagi ng pelikulang “Avengers: Infinity War”.
Ang shot ay bahagi ng eksena ng pagpunta ni Thanos (sa katauhan ni Josh Brolin) sa isang farmland.
Nakumpirma ito base na rin sa facebook post ng Indochina productions, ang production partner ng Marvel na naka-base sa Thailand.
Nakasaad sa FB post ang pagbati sa kanilang team na tumulong para makuhanan ang sikat na tanawin sa Pilipinas.
Kalakip dito ang larawan ng credit roll at aktwal na kuha sa Banaue.
Kinumpirma rin ng Walt Disney Company na sa Banaue Rice Terraces nga kinunan ang huling eksena.
Sa kasalukuyan, umabot na sa 39 million dollars ang kinita ng pelikula overseas habang bukas pa ito ipalalabas sa Amerika.